Lipat Bahay

Lipat Bahay

 

Mga kaibigan, ang inyong lingkod sana ay mapagbigyan

Bigyang pansin at magkukuwento, ilalahad ang mga napagdaanan

Huwag mag-alala sapagkat Tagalog ko’y di lalaliman

Hindi magiging mahirap unawain, tula’y madaling maiintindihan

 

Simula noong ako ay ipinanganak kami ay nagrerenta na

Ng isang bahay sa “compound” sa looban ng Esguerra

Kaming dalawang magkapatid ay doon nagsimula

Makipaglaro at makipaghabulan, maging sa lupa’y madapa.

 

Sa tahanan naming doon, ako ay sinusundo

Upang dumalo ng “Bible Study”, aya ng mga kalaro

Nag-ibayo ang pananalig sa Diyos simula noong musmos pa

Ito ay lubos na nagdulot ng kasiyahan kay ama at ina.

 

Bago pumasok sa elementarya, kami’y muling lumipat

Sa isang bahay kung saan ang paaralan ay halos katapat.

Sa una ay hatid at sundo ng mga magulang, maging ng mga kuya

Ngunit lumao’y sinabi, “pagpasok at pag-uwi po ay kaya ko na.”

 

Sa tahanang iyon, nagsimulang tumayo sa sariling paa

Kailangang gawin ang mga bagay-bagay na kaya naman na

Hindi kailangang pang iasa, magkaroon dapat ng pagkukusa

Sapagkat mga magulang na galing sa trabaho ay maaring pagod na.

 

Lumipas ang maraming taon kami’y lumipat ulit

Tila sanay na kaming dalawang magkapatid na makukulit

Ngayon naman ang tahanan ay may “basketball court” sa likuran

Tinuruang mag-dribble at bumuslo, salamat sa aking pinsan.

 

Apat na taon ang lumipas, malamang alam niyo na

Sa ibang lugar kami ay siyempre… muli na namang nagrenta

Sa tahanang yaon, ay merong bagong bunsong lumitaw

Isang batang lalaking malusog, “Wafu” ang naging palayaw.

 

Itong munting anghel ay mistulang aking kabiyak na bunga

Anumang anggulo tingnan, kamukha ng kaniyang kuya

Kapag siya ay pinupuri ng mga tao, ako ay napapangiti

“Nakakagigil, napaka-kyut, ang pogi-pogi!”

 

Di pa diyan nagtatapos ang paglipat ng aming tahanan

Dumating ang punto na kami’y naghirap, tumira sa kabundukan

Pamilya ay di nabuwag, sinikap na muling makabangon

Tinulungan ang mga sarili, tinulungan ng Panginoon!

 

Ngayon nga ay patuloy na bumabangon, unti-unting sumusulong

Pamilya ay hinahanap-hanap dahil nakabukod na ng bubong

Ngunit ako ay malayo man, ay di mawawala sa isipan

Ang pagmamahal at kalinga na naranasan sa aking mahal na tahanan.

 

Sa bagong tahanang itataguyod ay inyong pakaasahan

Isasaloob at isasaisip, lahat ng pinagdaanan

Magiging bagong tahanan at pamilya ay di pababayaan

Isasagawa ang mga natutunan sa anim na tahanan na nirentahan.

 
 

“Ito ang aking lahok sa Saranggola Blog Awards 5

Saranggola+336x280

Sponsored by

dmci+homes+logo

Leave a Reply