Lakbay Diwa sa Panahon ng mga Natatanging Imbensiyon

Lakbay Diwa sa Panahon ng mga Natatanging Imbensiyon

akda ni Semidoppel

 

Ito ay isang kuwento noong ako ay minsang nakatulog

Isang mahiwagang kaibigan, sa diwa ko ay dumulog

Ako ay kaniyang inanyayahan sa iba’t ibang lunan

Halina’t sa aking paglalakbay ako ay inyong samahan

 

Una naming pinuntahan ay sa kabilang panig ng mundo

Sa “Harvard University’s School of Medicine” ang una naming tinungo

Kung saan isang Pilipina pala ang kauna-unahang nakapasok na Asyano

At isang  “Incubator” mula sa kawayan ay kaniyang naimbento.

 

Siya si Doktora Fe Del Mundo, siya’y tunay na intelehente

Ang kaniyang nilikha ay hindi kailangan ng kuryente

Para sa mahihirap na tao, ang incubator ay kaniyang nilinang

Kalusugan ng sanggol, kaniyang unang isinaalang-alang

 

Bumalik kami sa Pilipinas, ngayon naman ay sa Iloilo

Pinakilala niya sa akin si Abelardo Aguilar, isang doktor at siyentipiko

Mula sa ispesimen ng lupa ng kaniyang bayan, natuklasan ang erythromycin

Isang antibayotikong nalikha para sa hindi hiyang sa penicillin

 

Kami ay napadaan sa Taal, Batangas, tamang tama at may pista

Kung saan si Ginang Maria Orosa y Ylagan ay isa sa mga bisita

Soyalac at unang recipe ng Banana Catsup pala ay kaniyang nilikha

Siya’y isang “Food Technologist”, tunay na kahanga-hanga

 

Laking gulat ko at sa parehong lunan ay naroon din pala

Si Ginang Ruperta David o Aling Tentay tawag ng nakararami sa kaniya

Pamilyar ang kaniyang palayaw kaya’t aking kinilatis

Kaya naman pala, dahil pagmamay-ari niya ang Aling Tentay Patis!

 

Habang kami’y kumakain, kasamang kaibigan ay may ikinuwento

Noong 2005 pala sa International Inventor’s Forum ay may  Pinoy na nanalo

Titulong “Most Significant Invention of the Year” ay kaniyang natamo

Anticancer Cream ni Rolando dela Cruz, isang libo’t limandaang kalahok ang tinalo.

 

Hindi pa pala iyon ang unang tagumpay ni Ginoong Rolando

Mula sa patimpalak sa Kuala Lumpur naiuwi niya ay medalyang ginto

Kung ika’y may nunal o kulugo sa balat na ayaw ng makita

Pormulang nadisukbre mula sa buto ng kasoy ay ipahid, siguradong mawawala

 

Mga imbentor na Pilipino, isa-isa kong natuklasan

Tunay akong napabilib at napahanga ng lubusan

Salamat sa pagibisita sa diwa ko, mahiwagang kaibigan

Ang galing at talino ng Piilipino ay iyong pinatunayan

 

Sa aking pagmulat mula sa saglit na paglalakbay

Di maitatangging nadagdagan ng inspirasyon itong aking buhay

Dahil sa mga imbentor na nakilala na ginamit ang ang kanilang kaalaman

Dagdagan pa ng puso at dedikasyon, tiyak tagumpay ay makakamtan!

“Ang tulang ito ay aking lahok sa Saranggola Blog Awards 4”  

 

Ang Saranggola Blog Awards 2012

ay inilunsad sa pakikipagtulungan ng

13 thoughts on “Lakbay Diwa sa Panahon ng mga Natatanging Imbensiyon

  1. kaibigan,

    sana sa iyong paglakbay
    sa isip, hindi sana mawalay
    na sa bawat pilipinong tunay
    paglikha’y parte ng ating buhay..
    bow.. hehe.. nice eye opener pre..

Leave a Reply